Bilang katatapos pa lamang ng
Chinese New Year, aking pinagnilayan ang mga bagay-bagay tungkol sa aking pagkatao - bilang isang Chinese-Filipino. Aking sinubukang hanapin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga Tsino at Pilipino at kung nasaan ang posisyon ko bilang isang
Chinoy.
Napapanahon ang paglalagom na ito sa sarili sapagkat naiipit ang mga katulad kong
half-bred, o mga Chinese-Filipino sa masasabing tensyon ng dalawang lahi, bunga na rin ng paggigiit ng Tsina ng kanyang pagmamay-ari sa
Spratlys Islands at
Panatag Shoal.
Ang blog na ito'y naglalayong mailahad at makilala ko ang aking tunay na pagkatao. Ang mga sumusunod ay ang mga kuro-kurong nabuo sa magkahalong repleksiyon sa sarili at diskurso kasama ng mga iba pang Chinoy na kaibigan.
I. Respeto at Impluwensiya
Ang mga Tsino ay kilala sa pagiging magalang sa kanilang mga nakatatanda at mga ninuno. Sa aking palagay, bagaman maaaring ako'y nagkakamali lamang, repleksiyon marahil ito ng ilang siglong pagkakaroon ng monarkiyang gobyerno ng bansang Tsina, kung saan matinding pagpupugay ang ibinibigay sa mga hari't dugong bughaw. At karimihan sa mga maiimpluwensiyang tao sa kanilang lipunan ng mga panahon na iyon ay ang mga matatandang ministro ng palasyo. Naging magalang sila dahil sa
responsabilidad at
takot sa maharlika.
|
Confucius (larawan galing sa Google) |
Isa pa sa naglalarong teoriya sa aking isipan ay ang malaking impluwensya ng
Confucianism at
Buddhism sa paraan ng pag-iisip ng mga Tsino. Nakaugat sa mga relihiyong ito ang pagpapanatili ng balanse at respeto sa pagitan ng isang intilektuwal at ordinaryong tao.(ie. estudyante at guro) Ayon na rin sa aming diskurso sa klase, ang lipunan at ang
popular media ay nagtatakda ng mga nosyon ng karaniwan at sa pagkakatatag ng mga ito'y magkakaroon ng mga marhinalisado sa lipunan. Hindi ko tiyak kung ang mga kasulatan ni Confucius ay nabibilang ba sa kategorya ng tekstong popular o kritikong panitikan noong mga panahon na iyon. Ngunit ako'y mas panatag tanggaping ang mga itinuro ni Confucius ay mga panitikang bumasag sa mga nosyon ng kung ano ang normal sa lipunan ng monarkiyang Tsina. Maaaring binasag ni Confucius ang feudalismong kaharasang dala ng mga emperador, o kaya naman ay ang
social schism sa pagitan ng mga daralita't mayayaman.
Kung ganoon nga ang nangyari, at nagtagumpay si Confucius na tibagin at baguhin ang nosyon ng lipunan, aking napagtanto na sa pagtibag na ito'y nagawa ni Confucius na magtatag ng bagong
norm. Sa madaling sabi'y ang panitikang bumabasag sa nosyon ng karaniwan ay sa huli nagiging karaniwan din. Bagaman ang pagkakatatag ng bagong karaniwan na ito'y mabuti para sa bayan, (nagkaroon ng matinding paggalang sa nakatatanda) naipapakita rito na ang panitikang nakapagtatag na ng bagong karaniwan ay maaaring maging paksa muli ng
ibang teksto o ideya na naglalayong bumasag sa karaniwan.
|
Prayleng Kastila (larawan galing sa Google) |
Sa kabilang banda, ang mga Pilipino ay kilala rin sa pagiging magalang hindi lamang sa kanilang mga nakatatanda at mga ninuno kundi pati na rin sa kanilang kapuwa. (
Ganoon pa rin nga ba hanggang ngayon?) Ang ganitong ugali ng mg Pilipino, sa aking palagay, ay bunsod ng mahigit tatlong daang taon ng kolonyal na pamumuno ng mga Kastila sa ating bansa. Ang mga prayleng ipinadala ng Espana noong panahon ng
Reformation para ikalat ang Katolisismo ang responsable sa ganitong pagkahubog ng pagkatao ng mga Pilipino. Dala ng mga prayleng ito, kasama ng kanilang relihiyon, ang nosyon ng Kanluraning
etika
at
moralidad - marahil kasama na dito ang konsepto ng respeto. Ngunit, hindi ko ibig sabihin na ang mga Pilipinong naninirahan dito sa Pilipinas bago dumating ang mga Kastila ay mga walang modo. Ang nais kong sabihin ay dinala dito ng mga prayle ang maka-Kanluraning pag-iisip na maaaring may pagkakaiba sa kung ano ang mga orihinal na katangian ng pag-iisip ng mga sinaunang Pilipino.
Ang ilan sa dala-dalang kaugalian ng mga prayle ay ang pagmamano at pagbebeso, mga kaugalian ng pagpapakita ng respeto. Dala na rin marahil ng Katolikong relihiyon ang malalim na pagrespeto pati na sa patay, bunsod na rin ng nililikhang matinding konsepto ng ispirituwal na mundo ng nasabing relihiyon. Binago ng mga kaugalian na ito kung paano makitungo ang mga Pilipino sa kanilang kapwa.
Saan ko ngayon ilulugar ang aking sarili? Sa puntong ito, palagay ko ang aking personalidad pati na rin ang buo kong pagkatao ay algamasyon ng mga
potensiyal na mga impluwensiyang aking nabanggit kanina. Ibig sabihin ba nito'y napakamarespeto ko nang tao? Hindi. Dahil maraming bagay, bukod sa kung anong lahi ako
gawa, ang humubog sa akin.
II. Wika at Kultura
Pinaglagom ko pa ang mga kuro-kurong ito sa pamamagitan ng pagkikipagdiskurso sa mga kaibigan kong Chinoy. Tinanong ko ang aking mga kaibigan kung ano sa tingin nila ang mga pagkakaiba ng dalawang lahi na may diin sa perspektibo ng isang Tsino na nakatira dito sa Pilipinas. Ito ang kinahinatnan ng aming pag-uusap:
Wika
- Mas may kakayanan ang mga Chinoy na makipagtalastasan at makipagugnayan gamit ang parehong wika sa parehong lahi. Bilingual advantage kung baga.
- Kalimitang nababarok o nauutal ang mga Chinoy sa kanilang pagsasalita ng Filipino, samantalang mas matatas naman sa pagbigkas ng Chinese. Sapagkat ayon sa kanila, mas malaki ang impluwensiya ng dugong Tsino sa mga Chinoy kaysa sa dugong Pilipino, kaya't mas sanay silang mag-Chinese.
Kultura
- Mas nakatuon sa pagnenegosyo't pagiging may-ari ang mga Tsino samantalang ang mga Pilipino raw ay kuntento na sa pagiging mga empleyado. Bagkus ang opiniyong ito'y masyadong ideyalistiko. Ang pahayag na ito ay nagtatangkang sundin ang isteriyotipiko ng dalawang lahi, ngunit alam naman nating hindi ito ang realidad.
- Mas talentado umano ang mga Chinoy sapagkat taglay nila ang pinagsamang galing at talino ng Tsino at Pinoy. Makikita ito sa larangan ng sining, siyensiya at pati na rin sa isports at palakasan, kung saan maraming Chinoy ang namamayagpag.
|
Kawayan (竹子)
Sinubukan kong patunayan sa aking sarili kung totoo ngang may talento ang mga Chinoy sa larangan ng sining. Ang larawang ito ay aking ipininta para sa isang klaseng pangsining sa Chinese noong ako'y nasa mataas na paaralan pa lamang.
|
- Karaniwang galante raw ang mga Pinoy samantalang napakakuripot naman ng mga Tsino, at dahil dito ang mga Chinoy raw ay magagaling at marunong sa pera.
Sa diskursong iyon ay naipakitang maganda maging isang Chinoy. Patunay nga marahil ito sa palaging sinasabi sa akin ng aking nanay na kadalasan daw ang mga may halong ibang lahi sa kanilang dugo ay pinagpala't masuwerte.
Dinala kami ng pag-uusap ng mga kaibigan ko sa isang (sa aking palagay) mahalagang punto. Ayon sa kaibigan kong si Jeremy,
"Chinoys, as the word itself implies, are defined as Chinese having some Filipino blood (and vice-versa) or Chinese being born in the Philippines. With that being said, I wouldn't consider a pure Filipino being born in China or even Filipino-Chinese that don't practice even a tiny bit of either culture (including language) as 'Chinoys.' To make is simpler, I have specific criteria as to what constitutes Chinoys: 1) has Chinese blood and 2) practices both cultures."
Sa simula't simula pa lamang ay nakaligtaan ko nang bigyan ng konretong depinisyon sa aking repleksiyon ang Chinoy. Sa aking isip, walang klarong linya na nagtatakda sa pagka-Pilipino, pagka-Tsino, o pagka-Chinoy. Pinoy kung Pinoy, Tsino kung Tsino, Chinoy kung Chinoy. Kung gayon, ano nga ba talaga ang mga pamantayan para matawag na isang Chinoy? Nasa dugo ba ang pagiging Chinoy? Sa lokasyon o bayang tinitirhan? Sa paggawa ng kinagisnang tradisyon? Sa kulturang mas pinapaburan? Hindi ko alam.
Ang tanging nagawa ko lamang ay magbigay ng mga katangiang tumutukoy sa pagiging Pilipino, Tsino at Chinoy. Hindi ko nagawang tuwirang sagutin ang mga tanong na: Sino't ano ang mga Chinoy? Hanggang sa puntong ito ay hindi pa rin ako nakararating sa isang sagot. Sana'y makapagpasiya na ako't nang magawa ko nang magnilay-nilay pa sa iba pang mga bagay.