Thursday, March 7, 2013

Ang Paborito Kong Salita

Hindi ka pa rin marunong makipag-usap.
Hindi kailanman sumapat ang katahimikan mo
para patahimikin ako. Lalo lang nag-iingay
ang mga makasalanang preso sa loob ko.
                                                                            
                                                                             ~sipi mula sa "Hindi Pa Rin" 
                                                                              galing sa Himagsik Ng Mga Puno
                                                                              ni Khavn De La Cruz

Ang komunikasiyon sa kapuwa ay isang esensiyal na aksyon na kailangang gawin ng bawat tao. Sa sobrang halaga nito, hindi uusad ang buhay, sa kahit anong aspekto, kung walang komunikasiyon na nagaganap. Paano kaya kung nangyaring wala tayong konsepto ng pakikipag-usap? Siguro napakatamlay ng buhay. Paano kaya magpapahayag ang tao kung ganoon? Mukhang imposible. Hinde, imposible talaga. 'Eto nga mismong pagsulat ko ng blog kahit hindi tayo harap-harapang nagtatalastasan ay isang paraan na ng pakikipag-usap at komunikasiyon eh. Tingnan mo ang mga kapatid nating pipi't bingi, kahit sila nakaisip ng paraan ng pakikipag-usap sa pamamagitan ng iba't ibang pagkumpas ng kanilang kamay. Ganoon talaga kahalaga ang kakayahang magsalita.

Ang pangunahing medium para dumaloy ang komunikasyon ay sa pamamagitan nito, 'etong mga lupon ng letrang nakikita mo ngayon na bumubuo sa isang kaisipan: mga salita. Sabihin ko man iyan, isulat, kantahin o iguhit, may kakayahan ang salita na magfacilitate ng komunikasiyon. Kung may isang bagay man na maihahalintulad ang sining at panitikan sa cell ng agham, para sa akin ang salita na marahil iyon. Ang salita ang pinakamaliit na istruktura ng buhay na katawan ng sining at panitikan.


Sa sobrang pagkahumaling natin sa salita, hayan at sandamakmak na ang nabuo. Bawat bansa ay may sariling lenguwahe at kahit ang bawat probinsiya ay may sariling pangang diyalekto - lahat umiikot sa paglalaro sa mga letra upang makabuo ng salita. Tayo namang mga Pinoy hindi pa nakuntento: gumawa pa tayo ng mga variation. Nariyan ang jejemontxt style at kung ano-ano pa. Kung gayon, tanong ko lamanag, sa dami ng salitang sinasabi ng tao, meron kayang namumukod-tangi? 
Mayroon kayang paboritong salita ang mga tao? 'Yun bang hindi lilipas ang isang araw nang hindi sinasabi ang salitang iyon ng ilang beses? 

Paano ko malalaman ang sagot? Wala nang mas epektibo pang paraan ng pagkalap ng kaalaman kundi sa pagtatanong (muli, isang uri ng komunikasyon na nag-uudyok ng patuloy na pag-usad ng buhay) sa mga kaibigan at, kung mamarapatin at papayagan ng oras, mas mainam pa nga ay sa mga estrangherong hindi kakilala. Ang mga taong kinausap ko ay binigyan ko ng ganitong klaseng tanong para sagutin at pagnilayan: "Ano ang paborito mong salita at bakit?" Naririto ang kanilang mga sagot.
-----------------------------------------------------------------------------------------
Ang sumusunod ay mga tunay na sagot nila, minabuti ko nang hindi isalin sa Filipino o ayusin pa ang gramatika ng ilan.

Camille Falcon: "GAHAHAHAHA!!" Kasi masayahin ako.

Debbie Ong: "Eudaimonia." Because it's a Greek word that means Happiness.

Erika Lim: "Hala." Hindi ko rin alam kung bakit pero palagi ko siyang sinasabi.


Micah Agustin: "Wala." Kasi kahit na "wala", yung meaning niya hindi madedescribe basta-basta. Kasi yung wala kahit "wala" powerful.


Miguel Bengzon: "Bayag." Dahil naaalala ko ang sarili ko sa salitang iyon.

Jerome Reparado: Ano nga ba? Wala akong maiisip!

Luigi Serafico: "Bitch." 'Cuz I'm one.


Ken Leano: "Tangina." Kasi it conveys a lot of emotions with just one word.



---------------------------------------------------------------------------------------- 
Napatigil at napaisip nang malalim ang karamihan sa aking tinanong. Parang unang beses silang tinanong ng ganoon. Thought-provoking ika nga. Mukhang tama ang aking teoriya: Bagaman sa bawat galaw natin ay nakaeengkwentro tayo ng salita, hindi ito dahilan upang lubos na maitatak at maitanim sa ating utak ang mga salitang ginagamit natin. Hindi ko alam kung ilan sa aking mga tinanong ang nag-imbento lamang. Baka wala naman talaga kasi silang paboritong salita at nalagay lamang sa sitwasiyong kailangan magbigay ng mainam na sagot. Kung papansining mabuti ang mga sagot at dahilan nila, makikitang naglalaro ang kanilang mga rason sa mga linya ng kapilosopohan, kalokohan at mga katotohanan tungkol sa kanilang sarili. Makikita rin na ang mga kalalakihang aking kinapanayam ay piniling isagot ang mga mas garapal na salita.

Ang salita ay isang kasangkapan lamang. Para sa marami, maliban siguro sa mga alagad ng sining at panitikan, pinahahalaghan ang salita hindi dahil maganda itong pakinggan o isulat, kundi dahil epektibo itong gamitin upang matugunan ang isang layunin o kagustuhan. Patunay ito na bagaman napakarami nating salita at tayo'y nagsasalita, hindi na natin masyadong binibigyang pansin ang kahalagahan ng mga salitang ito sa atin. Salita ay salita. Sinasabi ko lang para maintindihan mo kung ano ang ipinaparating ko. Walang nang emosiyonal na koneksiyon sa pagitan ng salita at tao, tanging tao sa tao na lamang. Ang pagkahumaling natin sa salita ay dahil may praktikal na gamit ito (pinadadali ang buhay). Inaasahan ko sanang ang dahilan kung bakit tayo (kung meron man talaga) nagkakaroon ng paboritong salita ay dahil nalimitahan o nakakahon na ang modernong tao sa isang lupon ng saligang mga tugon tuwing nakikipag-usap o nagsusulat. Kinasanayan natin ang mga salitang iyon, kaya iyon at iyon lang din ang ginagamit natin. 

Kahit ako mismo hindi ko alam ang paborito kong salita. Habang ginagawa ko ang blog na ito, patuloy pa rin akong nagmumuni-muni sa ilang potensiyal na salitang maaaring sagot sa tanong ko (oo, ganitong klase ng mga tanong ang tumatakbo sa aking isipan). Heto ang ilan sa pinagpipilian kong mga salita: sorry, ano ba 'yan at stress. Ayaw ko naman na maging ipokrito at ipahayag dito ang "paborito kong salita" kuno. Isa pang dahilan kung bakit hindi ako makapagdesisiyon ay dahil sa loob-loob ko hindi ko alam kung ano ba ang mga pamantayan para ang isang salita ay maging "paborito" ko. Kung gaano ko ba kadalas sabihin? Kung may naaalala ba akong karanasan sa salitang iyon? O sinasalamin ba ng salitang ito ang aking pagkatao't estado?Sa totoo lang, hindi rin kasi ako sanay na harapin ang mga ganitong klase ng tanong. Nakabubulabog talaga!  

Ikaw, ano ang paborito mong salita at bakit?   

 

No comments:

Post a Comment