Thursday, January 31, 2013

Para Sa Mga Depressed


Ayoko Na
 
Managinip habang mata'y 'di kumukurap.
Tumingin ng diretso sa hinaharap.
'Wag iiyak kahit ika'y bangkrap.
Manindigan hanggang maabot ang alapaap.
Ika'y nangarap - patuloy na mangarap.
-----------------------------------
Gutom. Pagod. Pera. Tao.
Ito'y malalakas na delubyo.
Kailanma'y 'di dapat patatalo,
kahit sa anino mo.
----------------------
Walang kayang humadlang
sa 'di pahaharang.
'Wag maging hunghang.
---------------------
Manampalataya ka.
Nariyan Siya.
---------------
Bangon.



May mga panahong tahimik at banayad ang buhay, tulad ng sa mata o gitna ng bagyo. Ika'y buong-buo - mapangahas at mapusok, kampante't kalmado - sa mga panahong nasa rurok ka ng tagumpay at kaginhawaan. 

Ngunit lahat ng tao'y daranas ng kasawian sa buhay. Lahat tayo, binabayo ng mga nagngangalit na problema. Babayuhin hanggang sa lumagapak sa lupa, mas durog pa sa pinong buhangin. Sa kawalan ng pag-asa, wala ka nang ibang masasambit kung hindi, "Ayoko na."

Sa huli, makikita mo ang taas ng pinagbagsakan. Mapagtatanto mo ang mga nakaraang karanasan na humubog sa iyong pagkatao at tumulong na iluklok ka sa pedestal ng tagumpay.

 Katuwang ang matinding pananalig ay manunumbalik ang tiwala sa sarili't kumpiyansang makaahon mula sa burak ng kasawian. Babangon kang muli. Mangangarap kang muli.

No comments:

Post a Comment