(larawan mula sa Google)
ANG BALANGGOT
Maniniwala ka ba kung sabihin ko sa iyo na ang kasuklam-suklam na bagay na nasa litratong iyan ay dati-rati ay tinatawag na balanggot? Tama. Ang tawag ng mga ninuno natin sa mga sombrero, cap, o hat nung araw ay balanggot. Bagaman malaki na ang pinagbago ng pisikal na hitsura ng pantaklob sa ulo na ito, marami pa rin ang gumagamit ng orihinal na balanggot lalong-lalo na sa mga probinsiya.
Ang bilanggot ay isang uri ng reed o tambo na pinatutuyo at ginagawang mga panakip ng ulo. Ang orihinal na hitsura ng mga sombrerong ito ay ganito:
(Ang lahat ng larawan ay nagmula sa Google)
Tama na naman! Ang orihinal na histura ng ating balanggot ay ang pananggalang-araw ng ating mga magsasaka. Madalas pa rin natin itong nakikita sa probinsiya, lalong-lao na sa mga lalawigan sa Central Luzon. Mahalagang kilalanin natin ang mga bagay at salitang ito sapagkat ang identidad natin bilang mga Pilipino ay maaaring sabihin nag-uugat rito.
Halimbawa: Tuwing Buwan ng Wika at may programa sa paaralan, ano ang mga pangunahing kasuotan ang sinusuot ng mga magtatanghal? Hindi ba't 'yung mga damit na may mahahabang manggas at ito - ang balanggot. Isa pa: Sa tuwing kinakatawan ang ating bansa sa mga pandaigdigang kumpetisyon o pagtitipon, madalas na simbolo ng ating pagkakakilanlan ang balanggot.
Ang ating balanggot ay unti-unti nang nakalilimutan dahil na rin sa globalisasiyon ng ating bansa at ng ating kapitalistikong merkado. Sinasapawan ng mga produktong banyaga ang sariling atin - nagiging marhinalisado ang ating mga produkto (tayo rin mismo bilang mga Pilipino) - at sa pagkawala ng identidad na ito'y mas nagiging madali para sa mga dayuhan na sakupin ang Pilipinas sa paraang pang-ekonomikal, intelektuwal at sosiyal. Sa katunayan, nagtagumpay na ang mga dayuhan sa kanilang ginagawang pagsakop. Nakagawa na sila ng ilusiyon sa mga Pilipino na ang inangkat nating ideya ng panakip sa ulo ay talagang sariling atin. Inangkin na natin ang kanluraning ideya bilang atin, at kasabay nito ay ang pagtaboy sa kung ano ang atin.
Bilang paglalagom, narito ang isang halimbawa: Kung si Juan ay pumunta sa Divisoria upang mamili ng mga kasuotan, at dumako siya sa isang tindahan na nagtitinda ng mga "modernong" sombrero at tradisyunal na bilanggot, ano sa tingin mo ang bibilhin niya? Mo? Hindi ba't mas pipiliin niya (mo) ang mas modernong istilo? Ang dahilan: Kasi mas maganda. Kasi hindi baduy. Kasi iyon ang sinusuot ng nakararami. Nakalulungkot isipin diba? Samantalang sa mga kapahunan ng ating mga lolo't lola nakasisigurado akong talamak ang pagsuot sa balanggot.
Ngayon, ang palagay ng mga Pinoy sa balanggot: pang mahirap. Nareduce na ito sa ganoong estado. Nakalulungkot naman. Buti na lang at may mangilan-ngilang naglakas-loob na buhayin ang tradisyunal na pantaklob na ito bilang pang-araw-araw na kasuotan. Siya'y si Makata Tawanan. Isa siyang kalahok sa patimpalak ng TV 5 na Talentadong Pinoy. Sa tuwing aakyat ng entablado si Makata, suot-suot niya ang kaniyang balanggot at saka tutula. Naging signature look niya ito. Kakatuwang isipin kung paanong sa paningin ng mga modernong Pilipino kakaiba ang kaniyang kasuotan samantalang palagi naman dati ito isinusuot ng mga Pilipino. Sana'y marami pang tao ang tumulad kay Makata.
Kaya naman huwag kalilimutan: Balanggot at hindi cap o hat. At kung mamarapatin, tangkilikin ang sariling atin.