Kadalasang sinasabi ang mga pamahiing ito sa mga batang sinusuway ng kani-kanilang mga magulang o mga lolo't lola na animo'y namamanata sa pagsunod sa mga ito. Sa huli, kinalalakihan at kinasasanayan ng tsikiting ang matinding pagkapit ng nakatatanda sa mga kaugaliang ito. Kaya naman sa kanilang pagtanda ay dala pa rin nila ang mga pamahiing namana mula sa mga matanda. Ayon nga sa marami: "Sabi nila kapag..."
Naglista ako ng ilang pamahiing Pinoy na sa tingin ko ay kakaiba't kakatuwa. Ngunit hindi ko nilimitahan ang aking sarili sa puro Pinoy na pamahiin lamang, isinama ko rin ang ilang pamahiin na nakuha ng mga Pinoy sa mga banyaga. Ang ginawa ko pa rito ay sinubukan kong pagtapatin ang mga persona: ang paraan kung paano sasabihin ng isang mapamahiin ang mga pamahiin; at paano sasagutin ng isang pragmatikong naniniwala sa siyensiya, ang mga pamahiing ito.
--------------------------------------------------------------------------------------------------
Listahan ng mga Pamahiin:1. Sabi nila kapag nakakita ka ng itim na pusa mamalasin ka.
~Nakasalalay sa tao ang kaniyang kapalaran, hindi sa kung anong hayop na dumaan lamang sa kaniyang harap.
2. Sabi nila kapag umuulan o kaya'y umaambon habang tirik na tirik ang araw, may ikinakasal na kapre.
~ Ang ulan sa isang maalinsangang araw ay bunsod ng pagsingaw na tubig sa paligid, hindi dahil sa kung anong enkantong kasiyahan.
3. Sabi nila kapag nakagat mo raw ang iyong dila, may nakaalala sa iyo.
~Nakagat mo ang iyong dila dahil hindi ka ngumunguya nang mabuti, o kaya naman nagmamadaling lumamon ng pagkain. Hindi ito dahil naalala ka ni beyb.
4. Sabi nila kapag nahulog ang kutsara/tinidor mo, may darating na babaeng/lalaking bisita.
~ Sa totoo lamang, nangyari na ba ito? Parang sa mga patalastas at palabas ko lamang 'to nakikita eh.
5. Sabi nila kapag nagwalis ka ng bahay sa gabi, winawalis mo raw ang grasiya palabas ng iyong bahay.
~Kung hindi ka magsisipag, talagang aalis ang grasiya sa iyo. At malamang ay hindi ka nga masipag sapagkat gabi ka na nagwawalis at hindi sa umaga. Tamad ka.
6. Sabi nila kapag nagpakasal ang magkapatid sa loob ng iisang taon, masusukob ang isa. Mamalasin.
~ Ang kapalaran ng mag-asawa'y nasa kanilang mga kamay at hindi dahil ikinasal sila kasunod ng isang kapatid sa parehong taon. Talagang mamalasin sila kung hindi magsisipag na magtagumpay sa buhay kapiling ang asawa.
7. Sabi nila kapag may nabasag na picture frame ng isang kaanak, may masamang mangyayari sa kapamilya.
~Muli, sa teleserye lamang ata ito natutunghayan at nangyayari. Kung paniniwalaan ito nang husto, malamang ay maaksidente nga ang kaanak. Sabi nga ng mga mentalist,"Kapangyarihan ng utak at pagtitiwala."
8. Sabi nila kapag tumalon ka nang tumalon sa paghihiwalay ng taon, tatangkad ka.
~ Ang pagtalon ay talagang maaaring makatulong sa pagtangkad, sapagkat nauunat ang mga binti. Ngunit ang pagtalon sa tuwing sasapit ang bagong taon? Malabong tumangkad ka magdamag.
9. Sabi nila kapag kumain ka ng pansit, hahaba raw ang buhay mo.
~Lahat ng Pinoy ata nakakain na ng pansit (ito'y pagmamalabis lamang), ngunit ano na ang nangyari? Araw-araw maraming Pilipino pa rin ang namamatay sa napakaraming dahilan. Ang simpleng pansit ay hindi makasasangga ng bala.
10. Sabi nila kapag dadaan sa magubat na lugar, kailangang magsabi ng "tabi-tabi po" upang magpasintabi kung nagkataong may nuno sa paligid.
~Respeto lamang, walang bastusan. Tama lamang na igalang ang paligid, ngunit kung ito'y dahil sa sa takot sa isang bagay na hindi naman totoo - hunghang ka.
11. Sabi nila kapag nagising ka raw ng alas-tres ng umaga, may nakatitig daw sa iyo.
~Nagising ka dahil sinabi ng katawan mo. 'Wag ka, hindi ka espesiyal. Kung ipagpipilitan pa rin, sige, tinatakot mo lamang ang iyong sarili.
12. Sabi nila kapag matutulog, huwag itatapat ang mga paa sa pintuan. Inaanyayahan mo raw si Kamatayan.
~Kung oras mo na, oras mo na. Walang kinalaman ang posisyon mo sa kama kung kailan ka mamamatay.
13. Sabi nila kapag ang babae ay kumain ng kambal na saging, magkakaroon din siya ng kambal na supling.
~Ang pagkakaroon ng kambal na anak ay dala ng iregularidad sa matres ng babae. Maaaring nagpalabas ito ng dalawang itlog nung kabuwanan niya, o kaya naman ang mismong zygote ay doble ang ginawang paghihiwalay.
14. Sabi nila kapag nilagay mo ang librong inaaral sa ilalim ng unan, tatalino ka raw.
~Hindi ka tatalino kung hindi ka mag-aaral. Imposibleng malipat ang katalinuhan sa utak ng isang tao kung hindi naman ito sasadyaing matutuhan.
15. Sabi nila kapag naliligaw at hindi makarating sa patutunguhan, baliktarin ang suot na damit.
~Kapag naliligaw, magtanong ng direksiyon sa tambay, mapa, o kaya naman ay sa GPS. Katangahan kung ibabaliktad mo lamang ang damit. Pinahirapan mo lamang ang iyong sarili.
16. Sabi nila kapag hindi sinimot ang kanin sa pinggan, pangit at may butlig-butlig sa mukha ang mapapangasawa.
~ Tama, masama ang magtira ng kanin sa pinggan. Sa dami ba naman ng taong nagugutom nagagawa mo pang mag-aksaya? At bakit isisisi sa kanin ang pagkakaroon ng pangit na katuwang? Baka sadiyang hindi ka lamang biniyayaan ng magandang mukha, at siya na lamang ang nagtiyagang pumatol sa iyo.
17. Sabi nila kapag kagagaling pa lamang sa patay, huwag munang umuwi sa bahay at baka sumunod ang kaluluwa ng yumao.
~ Hindi uuwi agad dahil takot na sundan? Magandang palusot iyan para makapagliwaliw muna sa mall at baka makapamili ng bagong Gucci na damit.
18. Sabi nila kapag hinakbangan o nilaktawan habang ika'y nakahilata o nakahiga, pabalikin mo ang gumawa. Kung hindi ay magiging bansot ka.
~ Kung wala sa "genes" mo ang pagiging matangkad, o kaya naman hindi ka nag-eehersisyo para tumangkad, 'wag isisi sa taong naistorbo (dahil nakabalandra ka sa daan) ang pagiging salat mo sa tangkad.
19. Sabi nila kapag baliktad ang repleksiyon mo sa mata ng tinitingnang tao o hayop, multo o aswang iyon.
~Tama ka naman sa isang banda. "Ang mga mata ang bintana ng kaluluwa." Kung hindi ka namamalikmata, malamang kailangan mo lamang magsalamin.
20. Sabi nila kapag palagi kang tinatahulan ng aso, nakakain o nakapatay ka na raw ng kapuwa nila.
~Tinatahulan ka hindi dahil nakatikim ka na ng aso, kundi naaamoy nila ang takot mula sa iyo. Kung hindi man takot, naaamoy nila ang masamang intensiyon mo. Oo, naglalabas ang tao ng ganoong klase ng amoy. At oo, ganoon din katalas ang pang-amoy ng aso.
21. Sabi nila kapag kumain ng mabigat na hapunan, huwag hihiga't matulog. Babangungutin ka raw.
~Kasibaan na humantong sa kamatayan. Normal sa tao ang magkaroon ng masasamang panaginip, ngunit hindi ito dahil sa pagkain. Ang mga kemikal sa iyong utak ang dahilan nito. Kung ipagpipilitang kasibaan ang dahilan, malamang ay namatay sa "diabetes" at altapresyon.
22. Sabi nila kapag nanaginip ka ng isang kaanak na patay na, dinadalaw ka raw ng kapamilyang iyon.
~Ang panaginip ay nililikha ng iyong utak. At dahil ang mga kakaibang panaginip, pati na rin kakilakilabot, ay madalas na nangyayari sa REM sleep, malabong dinadalaw ka talaga ng kapamilya mo. Ang utak ay naglalabas ng mga kemikal sa ganitong klase ng panaginip bilang pantapat sa "stress" na nararanasan ng katawan.
23. Sabi nila kapag namatay ang sanggol at hindi pinabiniyagan, magiging tiyanak raw ito.
~Ang sanggol ay tao. Ibig sabihin kapag ang sanggol ay namatay, kinalaunan ay maaagnas ang katawan niya. Paano ito magiging tiyanak kung wala nang katawang gagamitin para maging tiyanak?
24. Sabi nila kapag kumakain ng hapunan, huwag na huwag pag-uuntugin o patutunugin ang mga kubiyertos, dahil inaanyayahan mo raw ang demonyo na sumali sa inyong kainan.
~Ang malamang na kakatok sa pinto mo ay isang pulubing nagugutom o kapitbahay na naiinis sa ingay mo. Kung talento ito at nakagagawa ka ng musika, bakit hindi mo ipagpatuloy?
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Hindi ko tiyak kung gaano pa karami sa mga Pinoy sa modernong panahon ang naniniwala sa mga pamahiing ito. Maaaring may ilan na pragmatiko at kinukutya ang mga ito. Ngunit sa aking palagay, mas nakararami pa rin ang pinipiling maniwala. Bakit? May dalawang dahilan. Una: kinagisnan na nila ito. Gaya ng aking nabanggit kanina, simula bata pa lamang ay naririnig na ng mga Pinoy ang mga pamahiing ito. Sa gayon, nagiging parte na ito ng kanilang buhay.
Pangalawa: bagaman alam na ng mga Pinoy na hindi totoo ang mga bagay na ito, nariyan pa rin ang takot na magkatotoo ang pamahiin. May posibilidad. "Paano kung mangyari nga?" Habang nananatili ang takot na ito, patuloy na maniniwala ang mga Pinoy sa mga pamahiin. Katuwiran ng iba, wala namang mawawala at mawawalan kung susundin ang mga pamahiin. Mas mabuti na raw ang sigurado.
Gaya nga ng diskurso sa klase, ang salita ay isang sagisag at alaala. Marahil may mga pagkakataong nagkatotoo ang mga pamahiing ito. At bilang mga tao, pinipilit nating magkaroon ng kontrol sa ating hinaharap sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kamalian ng nakaraan. At ang isang paraan ng paalala para sa susunod na henerasyon ay ang pagbuo ng mga pamahiin - mga salita o kasabihang may nilalaman na alaala. Sa ganoong paraan ay nababawasan ang bigat ng responsabilidad ng nakatatanda na balaan ang susunod na henerasyon.
Bilang pagtatapos, ang posisiyon ko sa mga pamahiin ay tulad ng maraming Pilipino. Wala namang masama kung maninigurado, hindi ba? Ngunit, sa paglipas ng panahon ay nararamdaman kong nagiging malamig na ang turing ko sa mga pamahiin. Malamang ay dahil napakarami ko nang ginagawa't inaatupag para bigyan pa ng pansin ang mga pamahiin na ito. Iintindihin mo pa ba ang mga bagay na ito kung walang-wala at desperado ka na? O kaya'y masyado ka nang maraming dinadaing na problema? Hindi na diba?